Pakikipag-usap Sa Dios
Ang panalangin ay ang pagbubukas ng puso sa Dios na parang sa isang kaibigan. Hindi ito kailangan para ipaalam sa Dios kung sino tayo, kundi para tayo ay bigyan ng lakas na tanggapin Siya. Hindi nito ibinababa ang Dios sa atin, kundi itinataas tayo nito sa Kanya. Noong si Hesus ay nandito pa sa ibabaw ng lupa, tinuruan niya ang kanyang mga alagad kung paano manalangin. Kanyang pinatnubayan sila na ipaalam ang kanilang mga pangaraw-araw na pangangailangan sa Dios, at ibigay sa Kanya ang lahat ng kanilang mga pasanin. Ang kasiguruhang ibinigay Niya sa kanila na ang kanilang mga petisyon ay diringgin, ay kasiguruhan din naman para sa atin.
Ang Ating Pangangailangang Manalangin
Mismong si Hesus, samantalang Siya ay nanirahan dito na kasama ng mga tao, ay madalas manalangin. Kinilala mismo ng ating Tagapagligtas ang ating mga pangangailangan at kahinaan, at sa ganito ay naging mataimtim Siya sa paghiling, mapagsumamo sa panalangin, na naghahanap mula sa Kanyang Ama ng panibagong lakas, upang maging matibay Siya sa ano mang tungkulin at pagsubok. Siya ang ating halimbawa sa lahat ng bagay. Siya ang ating kapatid na lalaki sa ating mga kahinaan, “Siya ay sinubok sa lahat ng bagay na katulad natin,” subalit bilang isa na walang kasalanan, ang likas niya ay biglang umurong sa kasamaan; tiniis Niya ang mga pagsusumikap at lahat ng hirap ng isang kaluluwa dito sa mundong makasalanan. At sa Kanyang pagkatao ay ginawa Niya ang panalangin na pangangailangan at isang tanging karapatan. Nasumpungan Niya ang kaaliwan at kasiyahan sa pakikipagusap sa Kanyang Ama. At kung ang Tagapagligtas ng sangkatauhan, na Anak ng Dios ay nakadama ng kahalagahan ng panalangin, gaano pa kayang higit ang dapat na madama ng isang mahina at makasalanang mortal, ang tungkol sa pangangailangan ng taimtim at patuloy na panalangin.
Ang ating Ama sa langit ay naghihintay na ipagkaloob ng lubusan ang Kanyang biyaya. Ating karapatan na uminom ng sagana sa bukal ng walang hanggang pag-ibig. Kung bakit nakapagtataka na napakaiksi natin kung manalangin! And Dios ay handa at nais makinig sa taimtim na panalangin ng Kanyang mga pinaka-mapagpakumbabang anak, subali’t mayroon pa ring malaking nakikitang pag-aatubili sa ating panig upang ipaalam ang ating mga ninanais sa Kanya. Ano kaya ang maaring isipin ng mga anghel sa langit, sa mahirap at mahina na mga nilalang na nakapailalim sa tukso, kung ang puso ng Dios na may walang hanggang pag-ibig ay nahahabag sa kanila, handa ng magbigay ng higit sa kanilang hinihingi o iniisip, nguni’t sila ay bahagya lamang kung manalangin at napakahina ng kanilang pananampalataya? Ibig ng mga anghel na yumuko sa harapan ng Dios, ibig din nilang malapit sa Kanya. Kanilang itinuturing na ang pakikipagusap sa Dios ay ang pinakamataas nilang kasiyahan; subalit ang mga anak sa lupa na higit na nangangailangan ng tulong na ang Dios lamang ang makapagbibigay, ay tila nasisiyahan nang lumakad na walang liwanag ng Kanyang Espiritu, ang Kanyang pananatiling pakikisama.
Ang Susi Para Magtagumpay
Ang dilim ng kasamaan ay nakapaligid sa kanilang pabaya sa panalangin. Ang ibinulong na mga tukso ng kaaway ay naguudyok sa kanila upang magkasala; ang lahat ng ito ay dahilan sa hindi nila pag-gamit ng karapatang ibinigay sa kanila ng Dios, na nasa loob ng nakatakdang banal na panalangin. Bakit ang mga anak na lalaki at babae ng Dios ay mag-aatubili pang manalangin, kung kailan pa na ang panalangin ay susi sa kamay ng pananampalataya para buksan ang kamalig ng langit, kung saan nakatago ang walang hanggang kinukunan ng kapangyarihan? Kung walang panalangin na walang patid at masigasig na pagmamatiyag, tayo ay mapapasa panganib na tumubo ng bulagsak at lumihis sa tamang daan. Ang kaaway ay patuloy na naghahanap ng paraan upang hadlangan ang daan patungo sa upuan ng awa, para hindi natin tanggapin, sa pamamagitan ng mataimtim na panalangin at pananampalataya, ang biyaya at lakas laban sa tukso.
Manalangin ka sa iyong silid, at habang ginagawa mo ang iyong gawain sa araw-araw ay patuloy mong itaas ang iyong puso sa Dios. Sa ganito lumakad si Enoc na kasama ang Dios. Itong mga panalanging lihim ay pumapaitaas na parang mahalagang insenso sa harapan ng luklukan ng biyaya. Hindi magtatagumpay si Satanas sa sinoman na ang puso ay nananatili sa Dios.
Ang Kundisyon ng Panalangin
May ilang kundisyon na ating maaasahan na diringgin at sasagutin ng Dios ang ating mga panalangin. Isa sa mga una dito ay ang madama natin ang ating pangangailangan ng tulong na mula sa Kanya. Siya ay nangako “Aking ibubuhos ang tubig sa kanya na nauuhaw, at baha sa tuyong lupa” (Isaias 44:3). Sila na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, at naghahangad sa Dios, ay makakasigurong pupunuin. Ang puso ay dapat bukas sa impluwensiya ng Espiritu, o ang mga pagpapala ng Dios ay hindi tatanggapin.
Ang ating malaking pangangailangan mismo ay isa nang argumento na nakikiusap ng maigi para sa ating kapakanan. Subalit ang Panginoon ay dapat hanapin sa ganitong paraan, upang magawa Niya ang mga bagay na ito para sa atin. Sabi Niya, “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan” at “Siya na hindi ipinagkait ang Kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit hindi naman ibibigay sa atin ng walang bayad ang lahat ng mga bagay?” (Mateo 7:7. Mga Taga Roma 8:32)
Kung pinahahalagahan natin ang katampalasanan sa ating mga puso, kung kakapit tayo sa mga alam nating kasalanan, ay hindi tayo pakikinggan ng Panginoon; subalit ang panalangin ng nagsisising kaluluwa ay palaging tinatanggap. Kung ang lahat na alam na kamalian ay itinama na, makakapaniwala tayo na sasagutin ng Panginoon ang ating mga kahilingan. Ang ating katangian ay hindi kailanman maaaring magbigay ng kapurihan para tayo ay bigyan ng kabutihang-loob ng Dios; ang pagiging karapat-dapat ni Hesus ang siyang magliligtas sa atin, ang Kanyang dugo ang maglilinis sa atin; subalit mayroon tayong dapat sundin para gampanan ang kundisyon ng pagtanggap.
Isang elemento ng nananaig na panalangin ay ang pananampalataya, “Sapagkat ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at Siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa Kanya’y nagsisihanap” (Sa Mga Hebreo 11:6). Sabi ni Hesus sa kanyang mga disipulo, “Anong mga bagay na inyong hingin sa inyong panalangin, inyong paniwalaang ito’y inyong tinanggap na, at ito’y inyong kakamtin” (Marcos 11:24). Atin bang pinanghahawakan ang Kanyang salita?
Walang Malaking Pasanin na Hindi Kayang Dalhin ng Dios
Panatiliin mo ang iyong mga nais, iyong mga kasiyahan, iyong mga iniingatan, iyong mga kinatatakutan sa harapan ng Dios. Hindi mo siya mabibigatan; hindi mo siya mapapagod. Siya na bumibilang ng buhok sa iyong ulo ay hindi nagwawalang bahala sa pangangailangan ng Kanyang mga anak. “Ang Dyos ay lubos ng pagkahabag at pagkamaawain” (Santiago 5:11). Ang Kanyang maibiging puso ay nadadaitan ng ating mga kapighatian kapagka ito ay ating ipinahahayag. Dalhin natin sa Kanya ang lahat ng ating kagulumihanan sa ating kaisipan. Walang anumang malaking bagay na hindi niya kayang pasanin, sapagkat hawak Niya ang mga daigdig. Kanyang pinamamahalaanan ang lahat ng kapakanan ng sanlibutan. Walang anumang alalahanin na patungkol sa ating kapayapaan na napakaliit para hindi niya bigyan ng pansin. Walang napakadilim na kapitulo sa ating karanasan na hindi niya kayang basahin; walang anumang napakahirap na kagulumihanan na hindi niya kayang lutasin. Walang sakuna ang sasapitin ng kanyang pinakamaliit na anak, walang ligalig na bumabagabag sa kaluluwa, walang kagalakan o kasayahan, walang taos-pusong panalangin na makakaalpas sa mga labi, na hindi minamasdan ng ating Ama na nasa langit, o alin man dito na hindi Niya bibigyan ng unang pansin, “Kanyang pinagagaling ang may bagbag na puso, at tinatalian Niya ang kanilang mga sugat” (Mga Awit 147:3).
Ang mga kaugnayan na pumapagitan sa Dios at bawat kaluluwa ay natatangi at ganap, na parang wala ng ibang kaluluwa dito sa lupa para ibahagi ang Kanyang pagkalinga, wala ng ibang kaluluwa na ipinagkalooban Niya ng Kanyang bugtong na Anak.