Digmaan sa Langit
Alam mo ba na ang pinakaunang nakatalang digmaan kailanman ay nangyari sa isang lugar na di inaasahan? Ang Biblia ay nagsasaad na “nagkaroon ng digmaan sa langit: Si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon. at ang dragon kasama ng kanyang mga anghel ay nakipaglaban ngunit hindi sila nanaig, ni nasumpungan pa man ang kanilang lugar sa langit. Paano nagsimula ang pagbabaka na ito, at dahil sa ano? Ang kasagutan sa mga tanong na ito ay naglalahad ng dahilan sa likod ng kaguluhan na naging salot sa lupang ito at sa puso ng tao.
Si propeta Ezekiel ay nagbibigay sa atin ng kaalaman sa unang digmaan at paghihimagsik ni Satanas laban sa Dios. Si Lucifer na inilarawang “anghel na nagtatakip sa kaban ng Dios ay sakdal” nang siya ay lalangin hanggang ang “kasamaan ay natagpuan sa kanya,” (Ezekiel 28:14, 15). Itong katayuang ito ng “nakalukob na kerubing anghel” ay higit na nagpapakita ng paghihimagsik ni Lucifer. Sa lumang tipan, ang Dios ay nagbigay sa Israel ng isang maliit na modelo ng kanyang trono na silid sa langit, na tinatawag na santuaryo ( Tignan ang Exodo 25:8)
Si apostol Pablo ay sumulat na ang santuaryong ito ay katulad ng mga makalangit na bagay. (Mga Hebreo 8:5) Sa loob nito ay isang natatanging silid na tinatawag na Kabanal-banalang Dako na naglalaman ng Kaban ng Tipan na humahawak ng Sampung Utos. Sa itaas ng kaban ay ang Luklukan ng Awa at sa magkabilang panig ng Luklukan ng Awa ay may anghel na Kerubin na nakalukob sa luklukan ng awa at nakalukob din sa kaban (Tignan ang Exodo 25:16 – 22, I Mga Hari 8:7.
Ipinakikita nito na ang trono ng Dios ay ang Luklukan ng Awa at ang saligan at batayan ng Kanyang kaharian ay ang Kanyang Utos. Si Lucifer na isang dating kerubin ay mayroong responsibilidad na pagtibayin at ipagtanggol and utos ng Dios. Datapuwa’t ang paghihimagsik niya ay nagsimula dahilan sa ang kasamaan o kasalanan ay natagpuan sa kanya. At ano ang kasalanan? “Ang kasalanan ay paglabag sa utos ng Diyos.” (I Juan 3:4). Si Lucifer, na siyang dapat magtanggol sa utos ng Dios, ang pinaka pondasyon ng pamahalaan ng langit, ay nag-rebelde laban dito. Ang naging bunga ay ang digmaan sa langit.
Ano ba talaga ang argumento ni Lucifer laban sa batas? Pansinin natin ang isang makapangyarihang kaalaman sa loob nitong pagtatalo na ibinigay ni propeta Isaias, “Paano ka nahulog galing sa langit, O Lucifer, anak ng tala sa umaga… Iyong sinabi sa iyong puso, ako ay papaimbulog sa langit, aking aangatin ang aking luklukan ng mas mataas sa mga bituin ng Dios… ako ay magiging tulad ng Kataas-taasan.” Isaias 14:12-14)
Si Lucifer ay nagmungkahi ng isang argumento na siya ay maaring maging “tulad ng Dios,” na may “pagkamakatarungan” na hindi na kailangang sundin ang batas ng Dios. Kanyang inisip na maaring siya na ang magpasiya kung ano ang tama o mali. Sa ibang pananalita, ang paghihimagsik ni Lucifer ay naka-batay sa maka-sariling katwiran. Kanyang ipinagtatalo na ang batas ay naghihigpit at ang mga malalaya at matatalinong anghel ay hindi na kailangan ng ganitong mga patakaran. Itong argumentong ito ang dumaya sa maraming bilang ng mga anghel. Ang mga anghel na ito at si Lucifer ay pinalayas sa langit kasama ng kanilang mga damdamin na laban sa batas.
Sa ganitong kaalaman, mas mauunawaan natin kung bakit ang mundo at ang puso ng tao ay madalas dumadanas ng pagkabagabag. Ngayon, matindi ang galit ni Satanas sa batas ng Dios, na siyang saligan ng Kanyang pamahalaan. Ang Maykapal ay naghahanap ng mga tauhan para sa kanyang kaharian subali’t sila ay dapat na mayroong pagnanais na sumunod sa mga batas ng Kalangitan. Ito din ang katotohanan sa kahit na anong pamahalaan.
Nang si Satanas ay lumapit kay Adan at Eva sa halamanan ng Eden, kaniyang tinukso sila na tulad ng ganitong pandaraya. “Kayo ay maaring maging “tulad ng mga Dios” kahit hindi na sumunod sa Kanya.” (Tignan ang Genesis 3:1-5) Ang ganitong pangdaraya na naghatid sa pagkahulog ng mga anghel sa langit, ay naghatid din sa pagkahulog nina Adan at Eva mula sa hardin ng Eden. At kung paanong pinalayas ang mga anghel mula sa langit, ganoon din sila pinaalis mula sa hardin ng Eden. “At pagkatapos na palayasin Niya ang tao, ay iniligay Niya sa silanganang bahagi ng Halamanan ng Eden ang isang Kerubin at may nag-aapoy na tabak na iwinawagayway sa bawat daan upang bantayan ang daan patungo sa puno ng buhay.” (Genesis 3:23,24) Hinayaan ni Adan at Eva na iligaw ni Satanas ang kanilang pag-iisip. Nagkaroon na sila ngayon ng “mahalay na kaisipan, ” na gaya ng isinulat ni Pablo na patungo sa kamatayan. “Ang makasalanang pag-iisip ay laban sa Dios. Hindi ito nagpapasakop sa batas ng Dios.” (Roma 8:7, 8).
Ngunit hindi nais ng Diyos na mapahamak ang tao. Kaniyang ipadadala ang Kanyang Anak sa sanlibutan. Ang sangkatauhan ay magkakaroon ng pangalawang pagkakataon. Upang makapasok sa kaharian ng langit, ang sangkatauhan ay dapat muling sumailalim sa mga batas. Kaya isinulat ni Pablo na, “Ito ang tipan na aking gagawin pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon, Aking ilalagay ang Aking Mga Utos sa kanilang puso at sa kanilang mga isipan ay Aking isusulat ang mga ito; at ang kanilang mga kasalanan at ang kanilang maling gawa ay hindi ko na aalahanin pa,” (Mga Hebreo 10:15- 17).
Ang kaguluhan sa lupa at sa puso ng tao ay resulta ng pagtanggap ng mga kasinungalingan ni Satanas na ang tao ay hindi na kailangan pang sumunod sa batas ng Dios o siya ay maaring maging banal kahit wala na ang impluwensiya ng Dios. Malayo ang narating ni Satanas kahit na isulong itong kasinungalinan sa ilalim ng anyo ng pagiging matuwid; ito ay nakikita sa pamamagitan ng nagkukunwaring mga kristiyano na nagtuturo na ang batas ng Dios ay lipas na, at ang biyaya o kagandahang loob ay pinapawalang-bisa ang pagsunod sa kautusan ng Dios. Si Apostol Juan ay nagbabala laban sa ganitong pandaraya, na makasariling kabanalan, noong kaniyang isulat, “Ngayon nga ay nalalaman natin na kilala natin Siya, kung ating sinusunod ang kanyang mga utos. Siya na nagsasabi na kilala ko Siya at hindi sumusunod sa Kanyang mga utos ay isang sinungaling at ang katotohanan ay wala sa kanya” (I Juan 2:3, 4).
Si Satanas ay galit sa mga hindi nahuhulog sa ganitong pangdaraya. Patuloy siya para “makipagbaka sa mga nalalabing binhi, na siyang nagsisitupad ng ng mga kautusan ng Dios, at mayroong patotoo ni Hesu Kristo” (Apokalipsis 12:17).
Inihahayag ng Biblia kung paano si Satanas ay gagawa upang dayain ang mga tao tungkol sa kautusan ng Dios. Itinala ni propetang Daniel ang tangka ni Satanas na “baguhin….ang mga batas” (Daniel 7:25). Bakit? Sapagkat nalalaman ni Satanas na kapag ipinagwalang-bahala ang kahit na isa sa mga utos ay pagiging makasalanan at paglabag na rin ito sa lahat ng utos. (Santiago 2:10-12).
Sa katunayan, tusong binago ni Satanas ang isa sa Sampung Utos, na tila iilan lamang tao ang nakakaalam. Ginawa niya ito mismo mula sa loob ng simbahan. Nais namin kang himukin na basahin ang Sampung Utos na may taimtim na panalangin, ayon sa Exodo 20, at subukan mong matuklasan kung ano ang utos na pinalitan ng mga tradisyon at kaugalian ng tao. Kung pinangungunahan ni Satanas ang mga Kristiyano na suwayin ang kahit na isa sa Sampung utos ng Dios, kanya ring naisasagawa na akayin sila na umanib sa kanyang mga kuro-kuro laban sa utos.
Sa bandang huli, mayroong mga tao na mapaglalabanan ang mga pandaraya ng diyablo at kanilang patutunayan na sila ay tapat sa kaharian ng langit. Hindi sila lilihis mula sa kautusan ng Dios. Ang kauna-unahang digmaan ay tungkol sa batas ng Dios. Ang huling labanan dito sa lupa ay tungkol din dito. Isinulat ni Juan, ang tungkol sa matagumpay na samahang ito, “Mapapalad sila na sumusunod sa mga kautusang ito, upang magkaroon ng karapatan sa puno ng buhay, at makapasok sa mga pintuan ng siyudad,” (Apokalipsis 22:14). Magkaroon ka sana ng karapatan na makasama sa bilang ng mga magtatagumpay.