Ang Tahimik na Katotohanan ng Kamatayan
Noong ika-25 ng Hunyo, taong 2009, nagulat ang boong mundo sa hindi napapanahong pagkamatay ni Michael Jackson. Sa huling parangal na ginawa para sa kaniya sa Staples Center ng Los Angeles noong ika-7 ng Hulyo, ng nasabing taon, ang artistang si Brooke Shields ay may tapang na inaliw ang mga taga hanga ng hari ng pop, ng kaniyang sabihing, “dapat tayong tumingin sa itaas na kinalalagyan niya.”
Saan ba nagtungo si Michael Jackson pagkatapos na siya ay namatay? Saan ba nagtutungo ang mga namamatay? Ang mga banal ba kung mamatay ay magtutungo ng diretso sa langit, at ang mga makasalanan ba kung mamatay ay magtutungo naman sa apoy o impiyerno? Mayroon bang lugar na tinatawag na Purgatoryo? Ang mga patay ba ay tahimik namang nagtutungo sa mundo ng mga espiritu at doon ay nagpapalutang-lutang? Ano naman kaya ang sinasabing “re-incarnation” o isinisilang na muli sa ibang nilalang? Posible kaya na isilang tayong muli na gaya ng isang daga?
Ang ating sanlibutan ay punong-puno ng mga hindi nagkakasundong mga paniniwala, nguni’t ang Biblia lamang ang isang tanging aklat na mayroong bukal ng tamang aral. Sinasabi sa huling aklat ng Biblia na may isang anghel na nagkasala, ang pangalan niya ay si Satanas, na dumaya ng boong sanlibutan (Apocalipsis 12:9). Kung ito’y totoo, hindi natin maaasahan na tama ang mga tao sa kani-kanilang kuro-kuro tungkol sa kalagayan ng mga patay, matapos na sabihin ng mangangaral sa katapusan ng paglilibing, “abo sa abo, alabok sa alabok.”
Tatlong Pangunahing Kaisipan
Ating pasimulan at panatilihing simple ang mga bagay: Mayroong tatlong pangunahing mga paniniwala tungkol sa kalagayan ng mga patay at dito halos nakatali ang maraming kaisipan.
Ang una sa mga ito ay nagsasabing, “Ito na ang wakas mo, kapag ikaw ay namatay.” Marami ang naniniwala sa kaisipang ito, ngunit ito ay lubos na nakapanglulupaypay. Kumakalat na agham o “science” lamang ang makapagpapaliwanag ng katotohanan. Alinsunod sa aral na ito ay nagsasabi na, “matatamo mo lamang kung ano ang iyong nakikita.”
Sinasabi nila na ang kamatayan ay siya ng katapusan. Kapag ang tao ay namatay, kakainin siya ng mga uod at ito na ang wakas ng kanyang buhay, mawawala na siya magpakailan man.
Ang pangalawang kuro-kuro na pinaniniwalaan ng karamihan ay ang walang kamatayang kaluluwa. Kung ang tao ay mamatay, ang katawan niya ay mabubulok ngunit ang kaluluwa niya ay patuloy na maglalakbay. Siya ay maihahalintulad sa isang ahas na nagpapalit lamang ng kaniyang balat.
Ang ibat-ibang relihiyon ay palaging hindi nagkakasundo kung ang paguusapan ay kung saan nagpupunta ang mga patay, ngunit silang lahat ay nagkakapareho ng paniniwala na buhay ang kaluluwa ng isang namatay na tao.
Ang pangatlo at pangkatapusang aral ay ang may hangganang kaluluwa at ang pagkabuhay na maguli. Nakikipagtungali na ang ibig sabihin ng salitang “kaluluwa” ay tao, na ang tunay na kahulugan ng salitang tao ay (katawan na galing sa alabok at saka hininga ng buhay na galing sa Dios). Hindi ito bahagi ng katawan na walang kamatayan kung ang katawan ay mawala na.
Nang nilikha ng Dios si Adan ay “hiningahan Niya ang kaniyang ilong ng hininga ng buhay at ang tao ay naging kaluluwang may buhay” (Genesis 2:7). Ang tao ay walang kaluluwa sapagka’t siya mismo ang kaluluwa.
Pagkatapos na magkasala, doon na nagkaroon ng kamatayan ang tao. Sa kanyang kamatayan, ang katawan ay babalik sa alabok at ang “hininga ng buhay” naman ay babalik sa Dios. Ang hininga ay hindi kaluluwang may malay na makakapunta sa Chicago pagkatapos na ilibing ito sa Detroit. Ang tinatawag na hininga ng buhay ay masusumpungan sa lahat ng nabubuhay. Hango sa paniniwala na ito kung mamatay ang tao, siya ay talagang patay na, walang malay, tahimik, natutulog sa libingan at naghihintay na lamang ng pagkabuhay na maguli.
Alin kaya sa akala ninyo ang tamang aral sa tatlong mga paniniwalang nabanggit? Ating tinanggihan ang paniniwalang “atheistic nihilism – walang Dios,” sapagka’t mayroon tayong Dios na buhay, at ang Kaniyang mga Salita ay tunay. Mayroon talagang langit at mayroon di namang impyerno. Ano naman kaya itong dalawang paniniwala na hindi nagkakasundo sa kalagayan ng kaluluwa? Ano kaya ang sinasabi ng Banal na Salita ng Dios?
Ang Mga Aral ng Biblia Tungkol sa Kamatayan
Binangit na natin na itinuturo ng Biblia, na ng likhain ng Dios si Adan, siya ay naging “kaluluwang may buhay” (Genesis 2:7). Paglipas ng maraming mga taon “pitong-pung kaluluwa” ang nagsipasok sa Egipto (Exodo 1:5). Ang talatang ito ay nagpapatunay na yaong pitongpung mga kaluluwa na pumasok sa Egipto ay hindi yaong kaluluwang iniisip ng marami na hiwalay sa tao kundi sila’y mga taong nabubuhay noon. Nakuha po ba ninyo ang punto? Ang kaluluwa ay ang mismong tao. Ang isa pang katuwiran ay ang nagkakasalang mga tao ay hindi immortal, sila ay mamamatay. Kung ating pag-aaralan ang salitang “immortality – walang kamatayan” sa boong Biblia, ang itinuturo nito ay ang Dios lamang ang may taglay nito. Siya lamang ang walang kamatayan (1 Timoteo 6:16). Sa panahon na ang mga banal na patay ay bubuhaying muli ni Hesus sa muling pagbabalik Niya, ay saka pa lamang ang “katawang may kamatayan ay bibihisan ng katawang wala ng kamatayan” (1 Mga Taga Corinto 15:54). Sa madaling salita, ay hindi na dapat bihisan ang mga banal ng katawang wala ng kamatayan kung mayroon na sila nito bago pa dumating ang Panginoon. Ang isa pang magandang aral ng Biblia ay, “ang kamatayan ay pagtulog lamang”. Si haring David sa Lumang Tipan ay nanalanging ingatan siya sapagka’t baka siya’y “matulog ng pagtulog ng kamatayan.” (Mga Awit 13:3).
Sa katapusan ng mundo, silang “mga natutulog sa alabok ng lupa ay gigising” (Daniel 12:2). Silang mga patay ay mapayapang natutulog sa alabok ng lupa hanggang sa araw ng pagkabuhay na maguli. Ngayon ito ang dapat nating malaman pa na sinasabi ng Biblia na ang “mga patay ay walang nalalamang anoman” (Ecclesiastes 9:5). Ang ibig sabihin ng walang nalalamang anoman ay talagang walang malay. Sa sumunod na limang talata, niliwanag ni Solomon na sinasabi, “sapagka’t walang gawa, ni katha man, ni kaalaman man, ni karunungan man sa libingan na iyong patutunguhan” (Ecc. 9:10).
Sumangayon naman si haring David ng kaniyang isulat na “ang mga patay ay hindi nagpupuri sa Panginoon, ni sino mang bumababa sa katahimikan”
(Mga Awit 115:17). Kaya nga’t ang mga patay ay tahimik na natutulog. Hindi sila humihiyaw. Hindi kumakatok sa mga pintuan pagkatapos na sila’y ilibing.
Sa maiksing pananalita, si Michael Jackson ay hindi nagsasayaw sa ibang lugar ngayon. Sa halip siya ay patay na at nasa kaniyang libingan, naghihintay lamang ng araw ng paghuhukom (Hebreo 9:27).
Ang nilalaman ng boong Biblia ay kung sino si Hesus at ano ang nangyari sa Kanya halos dalawang libong taon na ang nakalilipas. Sa panahon ng Kaniyang banal na gawain sinabi niyang, “Siya ay papatayin nguni’t muling mabubuhay pagkatapos ng tatlong araw” (Mateo 16:21) at nangyari ang gayon. Sandaling nahawakan siya ng makasalanang mga kamay, binugbog at ipinako sa krus. Ipinaliwanag ni Pablo ang tunay na pangyayari na si “Kristo ay namatay sa ating mga kasalanan” (1 Mga Taga Corinto 15:3). Nang namatay si Hesus siya ay tunay na patay. Pagkalipas ng tatlong araw, isang banal na anghel ang nagpahayag, “Siya’y nagbangon na mula sa mga patay” (Mateo 28:7).
Halleluiah! Dahilan sa muling pagkabuhay ni Hesus nagkaroon tayo ng pag-asa. Darating ang araw na muling babalik si Hesus “na nasa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian,” kasama ang hindi mabibilang na mga anghel (basahin ang Mateo 24:30-31). Ipinahayag ni Pablo na kung dumating na ang araw na yaon “ang mga namatay kay Kristo ay unang mangabubuhay na maguli at tayo’y sasa Panginoon magpakailan pa man”. (1 Mga Taga Tesalonica 4:16-17). Kaya silang mga namatay na may pananampalataya kay Hesus ay muling bubuhayin at sasama sa Panginoon sa kaniyang muling pagbabalik
Sa Katapusan
Ang sabi ni Mark Twain, mayroong dalawang bagay na sigurado: Ang kamatayan at ang pagbabayad ng buwis. Ang ilan ay makakaiwas sa pagbabayad ng buwis ngunit hindi sa kamatayan. Ito ay masakit at tunay na darating.
Ang mabuting balita ay mahal tayo ni Hesus, tinubos Niya tayo sa ating mga kasalanan. Inilibing at nabuhay siyang muli, na pinagtagumpayan Niya ang kamatayan at ang libingan.
Kung magtitiwala tayo sa Kaniyang tagumpay, tayo din ay mananagumpay sa kamatayan. Matagal na ring panahon na ipinangako Niya na ang sino mang tumugon sa Kaniyang pag-ibig, magsisi ng kasalanan, at sumampalataya sa Kaniyang biyaya ay kanyang “ibabangon siya sa huling araw” (Juan 6:44).
Sumasampalataya ka ba sa Kanya? Ang pangako Niya ay para sa iyo, Ngayon!